Nabuhay sa mundo ang iilang nilalang
na may di mabilang na pag-aalangan.
Bawat yapak nila kasi ay sinusundan
ng malalalim na titig ng mga kasiraan.
Ganito nga ba talaga ang mabuhay sa mundo?
kailangan bang may nakatitig sa bawat hakbang mo?
Ang bawat hakbang ay kakambal ng kasiraan
dahil sa mga tinik na nakahambalang sa daan.
Bagaman ganito at ganito nga
ay hindi pa rin kayang maitatwa
na sa lahat ng nangyayaring mabuti't masama
ay mayroon pang makahiyang walang hiya.
Di kayang likumin ang mga dahilan
ng pagiging walang hiya ng makahiyang naturingan.
Di kayang hagilapin ang kahiwagaan
ng mundong nagkukubli sa kahuwaran.
Minsang naglakbay ako sa tila kagubatan
na kayraming punong ng dahon ay nawalan;
at sa halip na uod ang nakatira ay tao
na wari'y namumugad sa kutang bato.
At sa paglalakad ko ay aking nasagi
ang isang halamang kilala ko wari.
Ako'y nagtaka sa halamang iyon
gayong makahiya ay di tumiklop ang dahon.
Dahil sa nangyari, ako ay nag-isip
ng mga kaisipang halos di malirip.
Bawat nangyayari sa mundo ay bunga ng isip
at bunga rin minsan ng mga panaginip.
At aking napatunayang batas na nga ng mundo
ang makisaliw sa mga pagbabago.
Kaya't kung may mangyari mang tila di karaniwan...
bago pa mangyari ay iyo ng asahan.
Pagkat ang mundo ay may pangit na mukha
may pangit na larawan at ugaling masama.
Napagaganda lang ang mundo ng maririkit na tula
na sa puso ng kabutihan nagmumula.
Mabuhay ka sa mundo na malayang malaya
at ang kalayaan ay sa kamatayan mawawala.
Kung ano ang iyong uri ay iyon ka nawa,
at huwag kang maging makahiyang walang hiya!
isa ito sa mga paborito sa mga sinulat mo katoto.
TumugonBurahinayos :D
maraming salamat katoto.Mapagmasid kasi ako sa mga kaganapan sa mundo...hehehe
TumugonBurahin