Martes, Disyembre 18, 2012

ABORSYON


pinigil ang paghinga
ng walang malay
na nilalang na nakakubli
sa sinapupunang tahanan
ng buhay na sumupling
.....
naipinid ang sasarhang pinto
at nagbukas ang kabaong
sa paglabas ng biyaya
kasabay ng sisi at luha
.........................
at
nauwi sa katapusan 
ang biyayang Diyos ang naglaan.....

Biyernes, Oktubre 5, 2012


Dito sa Amin
(ni tagapagmana ni Huseng Batute)


Ihahayag ko na ngayon ang isang kuwento
Ng buhay na ordinaryo
Ng isang tao o ng dadalawa
O ng tatatlo o ng lahat na.
Isang buhay na iginuhit
Sa kapirasong papel ng ating panahon.

Mabuti nang ihayag ko ng maaga
Ang maigaya kong buhay
At ang matiwasay na pamumuhay
Sa aking bayan.

Sa bawat linyang gagawin ko
Sa malatulang kuwentong ito,
Bibigyang-pansin,
Bibigyang- diin,
At bibigyang-buhay
Ang buhay na walang buhay
At ligayang nakadaupang-palad ni sandali.

Uumpisahan ko dito ang istorya:

Ako’y tila inukit na kahoy-
Natuyo,
Nahulma,
Nililok,
At pinintahan upang gumanda.

Larawan ako ng angkang kaygiting,
Angkang kaytatag,
Angkan ng Pilipino!

IBUBUNYAG KO NGAYON……
Ang katotohanang kailanma’y
Di pa nalalaman.
Oo!
Ang katotohanan dito sa amin…

DITO SA AMIN…
            -ang tanawi’y nakalulula-
            Bundok,parang,batis,ilog,
            Lawa,dagat-salamat…
            Ang kalikasan ay likas
            At ang yaman ay yaman.
Kailan pa kaya ng iba malalaman?

DITO SA AMIN…
            -Ang salapi ay di hiyas
            Kundi ang katapatan,
            Kapayapaan,
            Kalinisan at
            Kaunlaran.

            Ang ugali ay ginto,
            Ang pagkatao’y brilyanteng makinang.
Kailan pa kaya ng iba malalaman?

DITO SA AMIN…
            -Ang pagpapala’y lubos
            Na tila ilog na umaagos.
            May mahirap
            May mayaman
            Tulad ng sa ibang bayan.
Ngunit
Datapwat
Subalit
            Pinag-uugnay ng pisi ng pagmamahal,
            Pakikisalamuha at pagtutulungan.
Kailan  pa kaya ng iba matututunan?

DITO SA AMIN…
            -walang pating sa katihan
            -walang Magdalena
            -walang mayroong-wala
            At walang-mayroon
            -walang isip-talangka
BAGKUS
            -may malambot na puso
            -may bukas na palad
            -at may isip-tao…
Kailan pa kaya ng iba mahuhulo?

DITO SA AMIN…
            Kalikasan ang dakila,
            Tao ang mas dakila
            At Diyos ang pinakadakila.

DITO SA AMIN…
            Sa bayan ng Lebak,
            (HINDI KILALA?)
            Sa Sultan Kudarat
            (MEDYO KILALA?)
            Sa Rehiyon X11
            Sa Mindanao
            Sa Pilipinas
            Sa mundo makikita.
            Gatuldok na lugar
            Gamundo ang pagpapala!



---------ang tulang ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 4----------
---


2012 Co- Presentor and Sponsors











            

Sabado, Setyembre 29, 2012


Ang Buhay

(tula ni Marvin Ric Mendoza)

ang pangarap na nilimot sa kaytagal na panahon
ay maaaring magbalik sa itinakdang taon
subalit ang buhay na dala mo hanggang ngayon
kapag nawalan ka'y di na muling magkakaroon.

ang ligayang tinamasa ay maaaring mawala
at maaaring magbalik na inaakala
subalit ang buhay kapag nawala
ay di na kayang magbalik na kusa.

ang naligaw na taong sa gubat napadpad
ay maaaring maghintay ng kaunting liwanag
subalit ang buhay na maligaw sa gubat 
ay di na makababalik kahit pa may liwanag.

ang araw na sumibol sa silangan
ay lulubog sa kanluran
at bukas ay muling masisilayan
subalit ang buhay na may pinanggalingan,
pag lumubog na'y di na muling masisilayan.

(inspired by Jose Corazon de Jesus)

Huwebes, Agosto 23, 2012

Haliging Kaytatag, Lahing Kaylakas

May isang haliging minsang naitayo
ng magiting at matatag na pinuno
na si Manuel L. Quezong minsang naglaho
sa lupa ng mundo ngunit di sa puso.

Ang haligi'y tanaw doon sa malayo-
mula sa Luzon hanggang Lupangb Pangako.
Ang haliging tila matayog na puno
ay kaytagal nang naipunla't tumubo.

Sa kasalukuya'y nakatirik pa rin
ang isang sagisag ng lahing magiting
na pinangarap na sana'y payabungin
sabay sa pag-ihip ng sariwang hangin.

O, 'wag naman biguin yaring pangarap
ng mga bayaning buhay ay nalagas
para sa bayang ninais makalasap
ng layang madama ang sariling lakas.

O, aking panawagan ay tanawin mo
ang isang haliging may sinisimbolo
'pagkat ang halaga kung di mapagtanto,
ang bawat isa'y magdurusang totoo.

Ang haliging ito'y Wikang Filipino
na tunay na kaytatag kahit may bagyo
at kahit nais pang putulin ng dayo
o nais mang uyamin ng pagbabago.

Sa ating pangungusap, nawa'y gamitin
ang wikang masasabing sariling atin.
Kaydakilang bagay na dapat purihin
ang wikang winikang marapat wikain.

Wikang haligi ni Inang Pilipinas
ay ginagamit na panungkod at lakas
nang matiwasay na marating ang bukas
habang nakatuntong sa palad ng oras.

Kung nagmamadali ang ating panahon,
umula't uminit, umaraw, umambon;
ang haliging nasa lupa nakatuntong
ay mas tumitibay at nagkakadahon.

At paglipas naman ay nagkakabunga
ng mga prutas na kaysarap ang lasa.
Kung titingnan lang ay di kaaya-aya
bagkus 'pag kinain, ang lasa'y pag-asa.

O, ang haligi ay sadya ngang kaytatag,
pagkakilanlan ang dulot nitong tawag.
Ako ay ako, Pilipino sa binyag.
Wikang haligi ang aking dalang armas.

Ipagmalaki mo't isigaw sa mundo
malakas ka't kaytatag ng sandalan mo.
Ang sandalang iya'y  Wikang Filipino
na siyang lakas ng pagka-Pilipino.

Linggo, Hunyo 17, 2012

Pasalamatan si Tatay


Araw pala ng mga Tatay o Ama ngayon. Syempre binati ko ang aking Papang ng Hapi Father’s day.
Ngunit kung inaakala mong narinig niya iyon, sa palagay ko ay hindi na,
bagaman umaasa ako na dadalhin ng hangin ng pag-ibig ang aking taos-pusong pagbati sa kanya
at nawa’y liparin ng bagwis ng pagmamahal ang tulang hinabi ng aking natatanging isipan….
haligi ka ng tahanang nagmamalaki
sa mundong kayliit sa pagwawari
dala mo ang bigat ng isang sakong binhi
ng pagkalinga sa pamilyang itinatangi
Naranasan ko ang lumakad na ikaw ay wala
natikman ko ang ligaya na hindi ka kasama
nabuhay ako ng matagal tagal na
habang sa piling ko ikaw ay isa na lang alaala…
Ang ama
ang tatay
ang itay
ang papang
ang haligi ng tahanan
na dapat pasalamatan
habang sa mundo
ay may buhay pang tinataglay.

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Kalayaang di tiyak...kalayaang di mahagilap


kalayaan...
kalayaan?
kalayaan!
pangungusap
pagtatanong
pagdaramdam
kalayaa'y tunay na bang nakamtan?
oo
hindi
ewan
katanungang di masagot ng isa pang katanungan
at
kasagutang di sumasagot sa katanungan..
kalayaan sa kahapon
ay kalayaan sa nakaraan
at kalayaan sa kasaysayan
ngunit nakadikit sa kalayaan ngayon
at kalayaan sa darating na panahon
subalit
kalayaan nga ba
ang kalayaang di maunawa
at di mapagtanto
at di maisip kung ano
at di malaman kung totoo?
kalayaang parang hangin
na nagpapagalaw sa bandilang nakatirik
sa katindihan ng init
ng nagngingitngit na araw...
kalayaang parang Jose Rizal sa piso
na ginugunita kung kailangan
at minsa'y nawawala
at minsa'y saan lang napupunta.
kalayaang parang papel
na walang marka at bahid ng tinta
subalit di mahagilap ang kahulugan
pagkat walang bakas na mauunawaan.
kalayaan..
kalayaan...
kalayaang di tiyak...
kalayaang di mahagilap
anong klaseng kalayaan ba ang iyo
at akin
at kanilang tinatamasa???

Biyernes, Hunyo 8, 2012

km3: Alingawngaw ng paos na tinig



KM3: Ang Alingawngaw ng Paos na Tinig


Ang malalakas at kayraming tinig ay nagmumula sa hinaing ng samu’t saring damdamin.

Ako ay isang Pilipino.

Ako ay paos na tinig sa yungib ng karimlan- yungib na tinatahanan ng mapupusok at iba’t ibang nilalang. Yungib na daigdig ng mga tinig na sadyang ikinubli sa kahuwaran at kawalang malay. Yungib na ang tanging liwanag na mababanaag ay kapirasong luha ng hinagpis na nagpapatatag ng marurupok na diwa na iniaanod ng katotohanang malimit na tinatakpan ng kasinungalingan.

Oo, ako ay isang paos na tinig na umaalingawngaw sa yungib ng karimlan. Ang tinig ko’y hindi kasinlakas ng ungol ng mga kanyon, ni ng putok ng mga baril, o ni dagundong ng kulog; bagkus, ang tulad ko’y langitngit ng kawayan, awit ng mga ibon, lagaslas ng tubig sa batis, huni ng kuliglig sa gabing kayrikit, tiktak ng orasan, ihip ng dalisay na hangin, o banayad na alon sa karagatan. Ang tinig kong ito ay halos hindi pakawalan ng nakakuyom na palad ng kahapong nananamantala sa aking kahinaan.

Bagaman ang tinig kong ito’y mahirap unawain ‘pagkat kaytagal nang hindi inuunawa, mararapatin ko pa ring magsalita gamit ang paos na sandata ng aking pagkatao- ang sining ng aking buhay at ang himutok ng aking kaluluwa. At ako’y humihiling na inyong buksan ang dalawang tainga upang marinig ang salaysay ng aking tinig.

Alam kong ako ay mahina- kasinghina ng isang sanggol o ng isang matanda. Subalit ang kahinaang ito ay alam kong ibabaw na bahagi lamang ng aking pagkatao.

At kung itatanong nila kung bakit nananatiling paos ang aking tinig ay hindi ko masasagot ‘pagkat ayaw kong sagutin; subalit sa mga magagaling umunawa, alam na nila ang sagot sa tanong na ito.

Ang tanong na ito’y tiyak na masasagot lang ng mga nilalang na may tiyagang makinig sa salaysay ng aking buhay na ikinukwento ng aking tila walang saysay na tinig.

Alam kong may makikinig sa akin. At alam kong darating ang panahong ang tinig kong ito ay magiging buo at maririnig na ng lahat ng Pilipino. At ipapangako kong kailanma’y hindi na maririnig ang alingawngaw ng aking paos na tinig!


KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."