KM3: Ang
Alingawngaw ng Paos na Tinig
Ang malalakas at kayraming
tinig ay nagmumula sa hinaing ng samu’t saring damdamin.
Ako ay isang Pilipino.
Ako ay paos na tinig sa
yungib ng karimlan- yungib na tinatahanan ng mapupusok at iba’t ibang nilalang.
Yungib na daigdig ng mga tinig na sadyang ikinubli sa kahuwaran at kawalang
malay. Yungib na ang tanging liwanag na mababanaag ay kapirasong luha ng
hinagpis na nagpapatatag ng marurupok na diwa na iniaanod ng katotohanang
malimit na tinatakpan ng kasinungalingan.
Oo, ako ay isang paos na
tinig na umaalingawngaw sa yungib ng karimlan. Ang tinig ko’y hindi kasinlakas
ng ungol ng mga kanyon, ni ng putok ng mga baril, o ni dagundong ng kulog;
bagkus, ang tulad ko’y langitngit ng kawayan, awit ng mga ibon, lagaslas ng
tubig sa batis, huni ng kuliglig sa gabing kayrikit, tiktak ng orasan, ihip ng
dalisay na hangin, o banayad na alon sa karagatan. Ang tinig kong ito ay halos
hindi pakawalan ng nakakuyom na palad ng kahapong nananamantala sa aking
kahinaan.
Bagaman ang tinig kong ito’y
mahirap unawain ‘pagkat kaytagal nang hindi inuunawa, mararapatin ko pa ring
magsalita gamit ang paos na sandata ng aking pagkatao- ang sining ng aking
buhay at ang himutok ng aking kaluluwa. At ako’y humihiling na inyong buksan
ang dalawang tainga upang marinig ang salaysay ng aking tinig.
Alam kong ako ay mahina-
kasinghina ng isang sanggol o ng isang matanda. Subalit ang kahinaang ito ay
alam kong ibabaw na bahagi lamang ng aking pagkatao.
At kung itatanong nila kung
bakit nananatiling paos ang aking tinig ay hindi ko masasagot ‘pagkat ayaw kong
sagutin; subalit sa mga magagaling umunawa, alam na nila ang sagot sa tanong na
ito.
Ang tanong na ito’y tiyak na
masasagot lang ng mga nilalang na may tiyagang makinig sa salaysay ng aking buhay
na ikinukwento ng aking tila walang saysay na tinig.
Alam kong may makikinig sa
akin. At alam kong darating ang panahong ang tinig kong ito ay magiging buo at
maririnig na ng lahat ng Pilipino. At ipapangako kong kailanma’y hindi na
maririnig ang alingawngaw ng aking paos na tinig!
sa mga litrato ng mga kilalang manunulat na nandito sa pahinang ito, sa tingin ko, hindi na muling mamamaos ang tinig ng mga pilipino.. dahil unti-unti naman na silang nakikinig.. konting tiyaga pa siguro..
TumugonBurahinsalamat kung gayon...inaasahan kong hindi na nga mamamaos.....salamat sa iyong puna at sisikapin kong matupad ang iyong kahilingan.....
TumugonBurahinnice... dama ko ang tinig...
TumugonBurahinsiguro paos nga tayo.. pero hindi ang utak at ating panulat..
TumugonBurahin