Miyerkules, Pebrero 29, 2012

...Ang taya ko sa Pilipinas Natin...





Ang aking munting taya sa Pilipinas natin
bagaman kakaunti ay di kayang bilangin.
Lahat ng hirap ko at gawang magaling
ay alay ko man din sa kakaibang lahi natin.




Bawat linyang binuo ko sa aking tula
ay larawan ng pagmamahal ko sa ating bansa.
Bawat saknong na marikit at may tugma
ay himig ng pag-ibig sa aking mutya.




Tangi at tangi man ding mahahandog ko lang
ang bahaghari ng aking kaisipan.
Nawa'y ibigin ng Pilipino sa santinakpan
ang bawat tula kong yaman ng aking buhay.




Darating ang panahong ako'y mawawala,
at darating ang katapusang di na mawawala.
Hiling ko lamang sa aking pamamayapa
nawa'y may maiwan akong maganda sa madla.




Di ko nasa ang katanyagan.
Di ko nasa ang kasikatan.
Ang nasa ko lamang ay tagumpay
ng ating lahing Diyos ang naglalang.




Tulad ng mga bayaning nakilala ng bayan
bagaman di nila ninais ay naluklok sa katanyagan.
Tulad ng mga makatang nag-iwan ng malahiganteng kaban
na puno ng kayamanan ng panitikan,
ako ngayo'y magbibigay naman
ng pamanang kahit papano'y pakikinabangan.




Tunay ngang walang pangalan ang kayraming dakila
kakambal ng pakibahagi ang pagiging maralita.
Kung ako man ngayo'y walang saysay tila,
ang sasabihin kong ito ay tama,
"sa mundong kaylawak, ang mga dakila
ay dinarakila lamang pag sila na ay nawala!"




Habang ako'y nabubuhay,
di ako magsasawa
sa papuri sa Pilipinas at Paghabi ng tula.
O mutyang Pilipinas,tanggapin mo nawa
itong simple ngunit mahalaga kong taya!




2 komento:

  1. Nakakapukaw ang iyong sinulat na tula. Naisipan ko tuloy bumuo rin ng sarili kong tula.

    Salamat.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat sa iyo...
      lahat naman tayo'y may magagawa sa ikauunlad ng ating bansa...
      marahil ay mas malaki pa ang iyong magagawa...
      pag-ibayuhin mo ang iyong katalinuhan at pagpupuri...

      Burahin

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."