Linggo, Hunyo 17, 2012

Pasalamatan si Tatay


Araw pala ng mga Tatay o Ama ngayon. Syempre binati ko ang aking Papang ng Hapi Father’s day.
Ngunit kung inaakala mong narinig niya iyon, sa palagay ko ay hindi na,
bagaman umaasa ako na dadalhin ng hangin ng pag-ibig ang aking taos-pusong pagbati sa kanya
at nawa’y liparin ng bagwis ng pagmamahal ang tulang hinabi ng aking natatanging isipan….
haligi ka ng tahanang nagmamalaki
sa mundong kayliit sa pagwawari
dala mo ang bigat ng isang sakong binhi
ng pagkalinga sa pamilyang itinatangi
Naranasan ko ang lumakad na ikaw ay wala
natikman ko ang ligaya na hindi ka kasama
nabuhay ako ng matagal tagal na
habang sa piling ko ikaw ay isa na lang alaala…
Ang ama
ang tatay
ang itay
ang papang
ang haligi ng tahanan
na dapat pasalamatan
habang sa mundo
ay may buhay pang tinataglay.

Miyerkules, Hunyo 13, 2012

Kalayaang di tiyak...kalayaang di mahagilap


kalayaan...
kalayaan?
kalayaan!
pangungusap
pagtatanong
pagdaramdam
kalayaa'y tunay na bang nakamtan?
oo
hindi
ewan
katanungang di masagot ng isa pang katanungan
at
kasagutang di sumasagot sa katanungan..
kalayaan sa kahapon
ay kalayaan sa nakaraan
at kalayaan sa kasaysayan
ngunit nakadikit sa kalayaan ngayon
at kalayaan sa darating na panahon
subalit
kalayaan nga ba
ang kalayaang di maunawa
at di mapagtanto
at di maisip kung ano
at di malaman kung totoo?
kalayaang parang hangin
na nagpapagalaw sa bandilang nakatirik
sa katindihan ng init
ng nagngingitngit na araw...
kalayaang parang Jose Rizal sa piso
na ginugunita kung kailangan
at minsa'y nawawala
at minsa'y saan lang napupunta.
kalayaang parang papel
na walang marka at bahid ng tinta
subalit di mahagilap ang kahulugan
pagkat walang bakas na mauunawaan.
kalayaan..
kalayaan...
kalayaang di tiyak...
kalayaang di mahagilap
anong klaseng kalayaan ba ang iyo
at akin
at kanilang tinatamasa???

Biyernes, Hunyo 8, 2012

km3: Alingawngaw ng paos na tinig



KM3: Ang Alingawngaw ng Paos na Tinig


Ang malalakas at kayraming tinig ay nagmumula sa hinaing ng samu’t saring damdamin.

Ako ay isang Pilipino.

Ako ay paos na tinig sa yungib ng karimlan- yungib na tinatahanan ng mapupusok at iba’t ibang nilalang. Yungib na daigdig ng mga tinig na sadyang ikinubli sa kahuwaran at kawalang malay. Yungib na ang tanging liwanag na mababanaag ay kapirasong luha ng hinagpis na nagpapatatag ng marurupok na diwa na iniaanod ng katotohanang malimit na tinatakpan ng kasinungalingan.

Oo, ako ay isang paos na tinig na umaalingawngaw sa yungib ng karimlan. Ang tinig ko’y hindi kasinlakas ng ungol ng mga kanyon, ni ng putok ng mga baril, o ni dagundong ng kulog; bagkus, ang tulad ko’y langitngit ng kawayan, awit ng mga ibon, lagaslas ng tubig sa batis, huni ng kuliglig sa gabing kayrikit, tiktak ng orasan, ihip ng dalisay na hangin, o banayad na alon sa karagatan. Ang tinig kong ito ay halos hindi pakawalan ng nakakuyom na palad ng kahapong nananamantala sa aking kahinaan.

Bagaman ang tinig kong ito’y mahirap unawain ‘pagkat kaytagal nang hindi inuunawa, mararapatin ko pa ring magsalita gamit ang paos na sandata ng aking pagkatao- ang sining ng aking buhay at ang himutok ng aking kaluluwa. At ako’y humihiling na inyong buksan ang dalawang tainga upang marinig ang salaysay ng aking tinig.

Alam kong ako ay mahina- kasinghina ng isang sanggol o ng isang matanda. Subalit ang kahinaang ito ay alam kong ibabaw na bahagi lamang ng aking pagkatao.

At kung itatanong nila kung bakit nananatiling paos ang aking tinig ay hindi ko masasagot ‘pagkat ayaw kong sagutin; subalit sa mga magagaling umunawa, alam na nila ang sagot sa tanong na ito.

Ang tanong na ito’y tiyak na masasagot lang ng mga nilalang na may tiyagang makinig sa salaysay ng aking buhay na ikinukwento ng aking tila walang saysay na tinig.

Alam kong may makikinig sa akin. At alam kong darating ang panahong ang tinig kong ito ay magiging buo at maririnig na ng lahat ng Pilipino. At ipapangako kong kailanma’y hindi na maririnig ang alingawngaw ng aking paos na tinig!


Bakit Ganito?


buhay
paraiso 
bato
prinsipyo




malayo ang malapit 
para sa ayaw


at malapit ang malayo 
para sa may gusto.


at


malakas ang mahina 
para sa mahihina


at mahina ang malakas
para sa pinakamalalakas.


at


matalino ang bobo 
para sa mga bobo


at bobo ang matalino
sa pinakamatatalino


at


madilim ang gabi para sa nakakakita
at maliwanag para sa mga bulag


at


mahirap para sa mayaman ang hirap


at


kalayaan sa iba ang bilangguan


at


hari sa iba ang alipin
at alipin ang hari


at 


ang ngayon ay bukas para sa kahapon
at kahapon ang ngayon para sa bukas.


Bakit nga ba ganito?





KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."