Biyernes, Marso 23, 2012


Mga Buhay sa Damuhan, Mga Bayani ng Bayan

Sa daigdig ng mga bayani ako’y tila kakaiba
pagkat ang pangalan ko’y walang kayang imarka.
Buong giting, buong tapang, at buong buhay pa
ang ialay ko ma’y tila wala ring halaga.

Ganito ba talaga ang mabuhay sa mundo,
ang pagkatao ng isa’y talo ng pagkamaligno?
Ang bayaning naturingan na sa lahi ang talino,
utak-galunggong din pagdating sa prinsipyo.

Sa silid-aklatan ng mga alaala
ay nakalimbag at nakaukit ang mga lumang istorya.
Ang bawat aklat doon kahit punit-punit na
ay may aral pang iniingatan sa bawat pahina.

Kung kaya ang nakaraa’y muli mong lakbayin
Nang iyong matagpuan ang mga dakilang giliw.
Ang mga bayaning kalayaan ang handog sa atin
Ay tulad ng saranggolang malaya sa turing.

Ang saranggolang iyon bagamat malaya
ay di mo aakalaing may katalik na hibla.
Ang hibla kung mapatid ay makasisira
at kadalasa’y nagdudulot ng pagkapariwara.

Matapos mong lakbayin ang nakaraan,
iyo namang silipin ang isang larawan-
larawang ipininta ng malikhaing kamay
na siyang nagsahimig ng tula ng buhay.

At pagkalipas nito’y pakatantuhin mo
ang kababalaghan na nangyayari sa mundo.
Mabuti pang naisin mong malignuhin ng tunay na maligno
kaysa malignuhin ng buhay na tao.

At tulad ng hamog na humahalik sa mga dahon,
ang tao’y may kaisipang tulad naman ng alimuom.
Ang hamog na hindi sinasadyang matipon
ay naiinom naman ng kulisap sa maghapon.

Ang mga tala sa langit ay iyo namang tanungin
kung sino ang makapapawi sa lahat ng paninimdim.
Magtataka ka pagkat ika’y sasagutin
ng larawan ng bayani sa kalawakang kaydilim.

“Kung iisipin mo lang aking kaibigan,
ang papel at pluma ay lubhang makapangyarihan.
Ang sa puso buhat at ginawa sa isipan,
sa panitikan man di’y  isang gintong yaman."

Sa kagawaran ng kawalang-malay at pagwalang-bahala,
nawa’y sumibol ang mga hinuha;
pagkat ang isip-galunggong at taong walang laya
ay puhunan naman ng kayraming dakila.

Sa masukal na mundo ay kayraming ahas.
Sa damuhan sa parang ay may naglalarong kulisap.
Sa maaliwalas na langit ay may saranggolang lumilipad.
Sa pahina ng panitikan ay may bayaning walang kupas.

Ang mundo nati’y isang malawak na damuhan
na sari-saring damo ang maaaring mabuhay.
Sa gitna ng damuha’y may silid-aklatan
na tinatahanan ng mga bayani ng bayan!

Lahok para sa "Bagsik ng Panitik" patimpalak ng Damuhan 

25 komento:

  1. sana follow mo to: aegyodaydream.blogspot.com

    TumugonBurahin
  2. Isa kang makabagong bayaning makata kabayan!
    Nawa'y pagmamahal sa tulang ati'y di talikuran.
    Saludo ako sa iyong akda aking kaibigan.

    Sobrang galing!
    Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal mo sa bayan at wika natin.Bow!
    At dahil diyan, kuntento na ako sa 1st runner-up,
    sa'yo na ang korona..Mabuhay!=)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat katoto....lahat naman tayo'y maaaring magwagi subalit ang mas mahalaga ay makabahagi tayo ng anuman upang umunlad ang ating panitikan...panalo tayong lahat dito...hehehe

      Burahin
  3. salamat katoto....mabuhay tayong lahat

    TumugonBurahin
  4. malapit ang puso mo sa panitikan kung hindi ako nagkakamali! mahusay sir! at goodluck para dito!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. opo...sadya ko talagang inilapit ang aking sarili sa panitikan pagkat ako'y magiging isang guro sa Filipino sa hinaharap...maraming salamat sa iyo katoto...

      Burahin
  5. Mga Tugon
    1. hindi naman masyado....
      salamat sa pagpunta dito katoto...

      Burahin
  6. goodluck sa inyo,
    patuloy nating payubangin ang panitikang Pinoy...

    TumugonBurahin
  7. Ilang dekada nang nakikiamot ng hininga ang gumawa nito?

    Tila sumisibol papagawi doon sa hardin ng panitikan. Kung saan ang mga usal, bulong at hiyaw ay isang sining na idinuduyan sa utak.

    :) Magbabalik ako dito.

    TumugonBurahin
  8. pamatid-uhaw lamang ang mga tugmang nakikiindayog sa musika ng aking buhay.....pagkat darating ang panahong ang mga tugmang ito ay mabibigkas na rin ng mga namamalat na labi...

    TumugonBurahin
  9. ang galing .

    goodluck sa obra mong ito katoto.

    :)

    TumugonBurahin
  10. mahusay ang iyong akda, napakalalim ngunit maliwanag..

    TumugonBurahin
  11. ganda ng nilalaman at pagkakatagni ng mga salita...

    TumugonBurahin
  12. salamat po....
    ang tulang ito mangyari ay aking hinabi upang maipahayag ang damdamin ng isang simpleng taong nagpapalagay na ang lahat ng nabubuhay sa mundo ay pawang mga bayani....

    TumugonBurahin
  13. Nagbasa. Humusga. Isang dakilang katha. Kulang pa ang salitang husay kung aking iwiwika ang busgo ng damdamin na akin ngayo'y nadarama.

    TumugonBurahin

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."