Biyernes, Marso 23, 2012


Mga Buhay sa Damuhan, Mga Bayani ng Bayan

Sa daigdig ng mga bayani ako’y tila kakaiba
pagkat ang pangalan ko’y walang kayang imarka.
Buong giting, buong tapang, at buong buhay pa
ang ialay ko ma’y tila wala ring halaga.

Ganito ba talaga ang mabuhay sa mundo,
ang pagkatao ng isa’y talo ng pagkamaligno?
Ang bayaning naturingan na sa lahi ang talino,
utak-galunggong din pagdating sa prinsipyo.

Sa silid-aklatan ng mga alaala
ay nakalimbag at nakaukit ang mga lumang istorya.
Ang bawat aklat doon kahit punit-punit na
ay may aral pang iniingatan sa bawat pahina.

Kung kaya ang nakaraa’y muli mong lakbayin
Nang iyong matagpuan ang mga dakilang giliw.
Ang mga bayaning kalayaan ang handog sa atin
Ay tulad ng saranggolang malaya sa turing.

Ang saranggolang iyon bagamat malaya
ay di mo aakalaing may katalik na hibla.
Ang hibla kung mapatid ay makasisira
at kadalasa’y nagdudulot ng pagkapariwara.

Matapos mong lakbayin ang nakaraan,
iyo namang silipin ang isang larawan-
larawang ipininta ng malikhaing kamay
na siyang nagsahimig ng tula ng buhay.

At pagkalipas nito’y pakatantuhin mo
ang kababalaghan na nangyayari sa mundo.
Mabuti pang naisin mong malignuhin ng tunay na maligno
kaysa malignuhin ng buhay na tao.

At tulad ng hamog na humahalik sa mga dahon,
ang tao’y may kaisipang tulad naman ng alimuom.
Ang hamog na hindi sinasadyang matipon
ay naiinom naman ng kulisap sa maghapon.

Ang mga tala sa langit ay iyo namang tanungin
kung sino ang makapapawi sa lahat ng paninimdim.
Magtataka ka pagkat ika’y sasagutin
ng larawan ng bayani sa kalawakang kaydilim.

“Kung iisipin mo lang aking kaibigan,
ang papel at pluma ay lubhang makapangyarihan.
Ang sa puso buhat at ginawa sa isipan,
sa panitikan man di’y  isang gintong yaman."

Sa kagawaran ng kawalang-malay at pagwalang-bahala,
nawa’y sumibol ang mga hinuha;
pagkat ang isip-galunggong at taong walang laya
ay puhunan naman ng kayraming dakila.

Sa masukal na mundo ay kayraming ahas.
Sa damuhan sa parang ay may naglalarong kulisap.
Sa maaliwalas na langit ay may saranggolang lumilipad.
Sa pahina ng panitikan ay may bayaning walang kupas.

Ang mundo nati’y isang malawak na damuhan
na sari-saring damo ang maaaring mabuhay.
Sa gitna ng damuha’y may silid-aklatan
na tinatahanan ng mga bayani ng bayan!

Lahok para sa "Bagsik ng Panitik" patimpalak ng Damuhan 

Miyerkules, Marso 21, 2012


Ibaba ang Presyo????

Ibaba! Ibaba! Ibaba!
ang Presyo ng Petrolyo ay ibaba!
Ito ang sigawan ng Pilipinong madla
habang nakatitig sa pangulo ng bansa
na nagmumukha tuloy na masama.

Kung mag-isip nga naman ang Pinoy ay Kakaiba
Ang ninanais ay gusto agad makuha
Ni hindi iniisip, ni hindi nagmumuni kaipala
pagkat palagay sa pangulo ay Panginoon ng Gasolina!!!

Sabado, Marso 17, 2012

 

ANONG  ALAM  NILA  SA  MINDANAO???


Ako'y nagtataka pagkat aking naririnig
sa ating musikang pag-ibig ang hatid.
Ang musika kasing sa Pilipino dapat ay himig,
bakit kung awitin ay may paos na tinig.


O kay ganda ng liriko ng isang kanta
Mindanao pa ang pamagat niya.
Walang ano-ano,ang lirikong makabansa
ay may kakambal pa lang paninira.


Matuwid bagang sabihing 
kayrami nang dugong dumanak sa lupa ng Mindanao
Gayong ang alam ko kakaunti pa lamang.
kung bibilangin nga ay masasabi ko pang
mas marami pa ang sa LUZON ay namatay.
Namatay na naghihinagpis,.
namatay na walang kalaban-laban,
namatay ay mali at kababawan ang dahilan.
O mga manlilikha ng awit,panawagan po lamang
huwag naman ang MIndanao siraan.
Ang resulta tuloy,natatakot hindi lamang ang dayuhan
kundi pati na ang ating kababayan!


Mag-ingat! mag-ingat sa paggawa ng liriko
pagkat katumbas nito ang karangalan mo,
kung ika'y taga-Luzon, LUZON ang gawan mo
kung ika'y taga-Visayas, VISAYAS ang gawan mo
Pagkat anong alam mo sa lupain ng MINDANAO???
Ano ang alam mo sa lupain ng bayan ko???

Miyerkules, Marso 14, 2012

 

Ang anino

Ang lahat  ng taong nabubuhay sa mundo
Ay may kakambal na kanya-kanyang anino.
Ang aninong larawan minsan ng huwad na pagkatao
Ay  nababatay sa pagpapakahulugan mo!




May aninong maitim
May aninong madilim
May aninong parang wala at di kayang hanapin


May aninong anino lang
May aninong di malaman
May aninong kapatid ni kasinungalingan.


May aninong nakadapa
May aninong walang laya
May aninong alipin ng mga maraya.


May aninong simple at ordinaryo
May aninong sa wari’y lampaso
May aninong anino ng ano
At may aninong ewan ko! Ewan ko!


Mapalad ang mabuhay sa mundong ibabaw
Lalo na’t makulay na anino ang iyong kakambal.
Mapalad ang may anino’t aninong tanglaw
Ng mga matang sa lupa nakatanaw.

Lunes, Marso 12, 2012


Ang Corales at ang Tao

Lumusong na nilalang sa gitna ng dagat
na ang hinahanap ay gintong pugad.
Sa paglusong sa tubig at sa paghahanap,
ang napala tuloy ay maraming  sugat.

Sa mga corales nang mapasadsad
ay patuloy na inakalang iyon ay pugad,
Nang mapalapit at dumikit na sukat
ang makinis na kutis ay napuno ng peklat.

Ang mga corales ay tulad ng tao
na maganda sa paningin at mahalaga sa mundo.
Ang corales na bahay ng isdang bato
kung matapaka'y sugat ang regalo.

Matuwid ngang sabihing ang mundo ay di ari ng tao,
at ang tao ay di ari ng mundo.
Kung ang corales na natapaka'y may inaangking respeto
gayundin naman ang lahat ng tao.

Miyerkules, Marso 7, 2012

PERA

ang wala nito mahirap,maralita
ang wala nito nakagapang sa lupa.
ang wala nito nahuhuli
at hindi iniintindi.
Ang wala nito ay kawawa
at alipin kumbaga.
Ang wala nito ay halos di makakakilos-
magugutom
mamamatay.
Ano ito?

Lunes, Marso 5, 2012

Makahiyang walang hiya





Nabuhay sa mundo ang iilang nilalang


na may di mabilang na pag-aalangan.


Bawat yapak nila kasi ay sinusundan


ng malalalim na titig ng mga kasiraan.






Ganito nga ba talaga ang mabuhay sa mundo?


kailangan bang may nakatitig sa bawat hakbang mo?


Ang bawat hakbang ay kakambal ng kasiraan


dahil sa mga tinik na nakahambalang sa daan.






Bagaman ganito at ganito nga 


ay hindi pa rin kayang maitatwa


na sa lahat ng nangyayaring mabuti't masama


ay mayroon pang makahiyang walang hiya.






Di kayang likumin ang mga dahilan


ng pagiging walang hiya ng makahiyang naturingan.


Di kayang hagilapin ang kahiwagaan


ng mundong nagkukubli sa kahuwaran.






Minsang naglakbay ako sa tila kagubatan


na kayraming punong ng dahon ay nawalan;


at sa halip na uod ang nakatira ay tao


na wari'y namumugad sa kutang bato.






At sa paglalakad ko ay aking nasagi


ang isang halamang kilala ko wari.


Ako'y nagtaka sa halamang iyon


gayong makahiya ay di tumiklop ang dahon.






Dahil sa nangyari, ako ay nag-isip


ng mga kaisipang halos di malirip.


Bawat nangyayari sa mundo ay bunga ng isip


at bunga rin minsan ng mga panaginip.






At aking napatunayang batas na nga ng mundo


ang makisaliw sa mga pagbabago.


Kaya't kung may mangyari mang tila di karaniwan...


bago pa mangyari ay iyo ng asahan.






Pagkat ang mundo ay may pangit na mukha


may pangit na larawan at ugaling masama.


Napagaganda lang ang mundo ng maririkit na tula


na sa puso ng kabutihan nagmumula.






Mabuhay ka sa mundo na malayang malaya


at ang kalayaan ay sa kamatayan mawawala.


Kung ano ang iyong uri ay iyon ka nawa,


at huwag kang maging makahiyang walang hiya!








KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."