Lunes, Disyembre 12, 2011

BAKIT NGA BA?
ni Marvin R.E. Mendoza


Bakit nga ba ang panaho'y sadyang mapagbiro?
Ang araw sa aki'y tila lumalayo.
Ang oras na dati ay inihambing sa ginto,
ngayon ang kapara ay mababa pa sa tanso.

Bakit nga ba ang panaho'y tila nag-iiba?
Dati ang kabanalan ang laging nangunguna.
Ngayon ay labas  na kahit sa una pang lima
na mga katangiang hinangaan ng iba.

Bakit nga ba ang tao kadalasan ay huwad?
Ang mukha sa harap,sa likuran ay baligtad.
Ang kilos na kung pagmasdan ay lubhang banayad,
palihim mong silipi't iba ang malalantad.

Bakit nga ba ang tao ay mabilis manghusga?
Naglalakad lang kahit walang sulyap sa paa.
Buka agad ang bibig sa isang kisap-mata
upang bigyang-latay ang katauhan ng iba.

Bakit ba umiikot ang mundo sa salapi?
Ang meron nito ay hanggang tenga ang ngiti.
Ang mga wala naman,ang gawai'y humikbi
'pagkat ang buhay nila'y kadalasang maikli.

Bakit ba nababago ng salapi ang tao? 
Ngiging masama ang dati'y mga santo.
Ang dating nakayuko'y naging taas-noo,
ang mga bulaklak pa'y naging masamang damo.

Bakit nga ba,bakit nga ba,bakit ba ganito
ang talinhaga sa buhay nating mga tao?
Ang sinumang di susunod sa ikot ng mundo
ay matitisod sa nakasusugat na bato.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."