Isang dapit-hapong madilim ang langit
Puno ng pangamba itong aking isip
Ang aking paligid ay lubhang tahimik
Habang si dilim ay marahang sumapit.
Sa dagat,si araw ay nagkulay pula
Simbolo ng paalam sa sinisinta
Ang liwanag sa bayan ay aalis na
Kung kaya nakahanda ang bawat isa.
Itong si gabi naman ay lalatag na
Tinatakpan ang pangit man o maganda
Kahit maaagap at masisipag pa
Pagdilim ng langit ay namamahinga.
Sa pagpinid ng bintana’y natanaw ko
Ang isang kandilang may sinisimbolo
Pinag-iisip ko at pinagtatanto
Kung ano ang halaga sa’king puso.
Madilim ang gabi’t walang maririnig
Maliban sa awit ng mga kuliglig
Ang simoy ng hangin ay sadyang kaylamig
Habang naghahatid ng magandang himig.
Habang hinihintay ang bukang-liwayway
Naisip ko na ang gabi ay kaytagal
Sa dilim ng gabi’y kayraming pinaslang
Pagpikit ng mata’y kayraming namatay.
Bukas ay sisikat na muli ang araw
Subalit tiyak kong ako’y mamamanglaw
Ang kandilang kagabi’y aking namasdan
May pag-asa pa bang muling matatanaw?
Sa silangan, si araw ay namumuhunan
At sa kanluran naman namamaalam
Kaya ang taong lupa ang sinibulan
Ay tiyak na may langit ding makakamtan.
Ang nais ko sana’y laging maliwanag
Laging ilaw ang mababanaag
Ako’y kurus na sa lupa’y humahalik
At lumuluhod sa gintong mga tinik.
Ang umagang kayganda’y muling lilipas
At isang dapit-hapon ‘yong mamamalas
Sa bagay na’to’y walang makaiiwas
‘pagkat ang Diyos natin ang s’yang nagsabatas.
Kaya iyong masdan itong aking palad
Ang kapalaran ko ay dito nakasulat
Ang karangalang sa aki’y igagawad
Marahil sa hukay ko na matatanggap.
Ang katawan ko’y sa lupa ililibing
Sakaling dapit-hapon sa’ki’y darating
Ngunit ang buhay ko’y magiging bituin
Na sa taas ng langit ay magniningning.
Ang lahat ng buhay ay may dapit-hapon
Ang mga gunita’y ating tinitipon
Kung sakaling bukas ay ‘di na babangon
Tayo’y kandilang sa kamay na ng Poon..
Karalitaan
ni: Marvin ric Mendoza
Sa bukid na tigang ay naroo't nag-iisip
ang isang taong sa hirap lamang nagtitiis.
Kung may katiting na gintong sana'y naisukbit,
ang lungkot na nadama'y sa saya ipagpalit.
Ang kahapo'y binalikang puno ng pangarap,
ang katiwasayan ay nais sanang malasap;
Ngunit dahil doon sa maling hagdan umakyat,
sa halip na riwasa'y sa dalita naharap.
Ang buhay na natamo'y lubhang pinagsisihan,
'pagkat bagabag sa puso'y laging nananahan.
Naisip pa man ding ng langit ay niyurakan
at pilit na pinahalik doon sa putikan.
Ang buhay nga sa mundo ay tunay na baligho,
parang gatas na matamis na naging maanggo.
Ubod-bait man, dalita yaong natatamo,
ubod-tibay pa ngang pisi, dagling napupugto.
Ang dumi sa mundong ngayo'y naglipana,
isipin man at hindi ay Diyos din ang may gawa,
Ang mga magnanakaw at sinungaling pa nga
ay 'di maitatatwang may silbi rin sa madla.
Ang dungis sa mukhang makikita lang sa dukha
ay tunay ngang may silbi at merong nagagawa.
Isipin mo kung wala kang dungis na makikita,
ang mga mariwasa'y tulad sa maralita.
Maraming nagsasabing ang Diyos daw ay maraya
'pagkat nakagapang lamang sila sa dalita
At ang mga katiting na yamang inaruga,
sa isang kisap-mata ay biglang nawawala.
Marami-rami na rin ang pating sa katihan
at babaeng marumi ang dangal at katawan.
Sa pag-ikot ng mundo 'di dapat kalimutan
na ang mga sanhi't dulot niyo'y karalitaan.
Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat
ang isang simbolong hadlang sa mga pangarap.
Ang ibang maralita'y sa langit umaakyat
at ang ibang mariwasa ay sa lupa bumabagsak.
Ang langit sa mariwasa'y lubhang mahalaga,
kawangis ay ginto at perlas ng maharlika.
Ang mahirap naman, sa anuma'y kuntento na
basta't mabuhay lang na marangal at masaya.
Karalitaa'y pagsubok sa kaydaming tao,
para sa mayayama'y papasanin ng husto,
Sa mahihirap nama'y pampatatag ng puso
na mula sa kahapo't sa bukas patutungo.
WIKANG FILIPINO
ni Marvin Ric Mendoza
Ito ay punyal na ubod ng talim
Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.
Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa
Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.
Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino
Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.
Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat
Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.
Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito
Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.
Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.
Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan
Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Madaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.
Sa bukas na darating ay ating mamamalas
Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.
Ang wikang Filipino’y magsisilbing gabay
Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay..
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento