Lunes, Nobyembre 25, 2013

Kasawian…Pangungulila



Sa daang sementado habang naglalakad
Ako’y nakakita ng ibong umiiyak.
Ang luha sa mata ay walang tigil sa pagpatak
Na tila baga nawalan ng nililiyag.

Nang aking usisain, aking namasdan
Isang pugad na wasak sa gilid ng daan.
At may nakita pa ako sa loob-looban-
Isang inakay na wala nang buhay.

Sa aking nakita, ako ay nahabag
Sa munting inang ibon na ayaw lumipad
Tila ba binabantayan ang bugtong na anak
Hanggang sa magising at muling mayakap.

Napatanong ako kung sino ang may gawa
Tao ba o kalikasan kaya?
Sino at ano ang walang awa
Na kumitil ng buhay at nagdulot ng luha?

Sa aking nadama, ako’y nakabigkas
Ng mga katagang may pagwawakas
“ o inang ibon, ngayon ika’y lumipad
At iyong ibalita ang kabiguang naganap.”

“ Iyong tanggapin na sa ating mundo,
ang supling ay biyaya bagamat pinahiram lang sa iyo.
At kung kinuha man ang biyaya sa panahong di mo pa gusto

Tanggapin mo na lang at ang kabigua’y iluha ng husto”.

————-ang tulang ito ay para sa aking mahal na kaibigan, kapatid, kapuso,kapamilya…at sa kanyang supling na si baby angelo na pumanaw bago pa man masilayan ang mundo noong nobyembre 9, 2013.
————-ang tulang ito’y nilikha ngayong nobyembre 22, 2013

Lunes, Oktubre 14, 2013

ILAW...HALIGI...TAHANAN












Sa daigdig na madilim, kailangan ng liwanag
na siyang tatanglaw sa mga lagalag.
Kailangan ng ilaw  na siyang lalatag
sa mundong kaydilim upang may mabanaag.



Ang ilaw ay may tungkuling magsilbing tala
na sa tuwing may dilim ay magpapakita.
Ang ilaw na ito na isang gabay tila,
ang liwanag na taglay ay hindi nawawala.



Ang ilaw na ito ay ang ating Ina,
na siyang gumagabay sa bawat pamilya.
Ang kanyang pangaral ay isang pamana
na dapat ay tumbasan pagpapahalaga.



Siya'y Ina, siya'y ilaw, siya'y liwanag 
na may tungkuling magbigay-direksyon sa bawat paglalayag.
Ang katuwang niya nama'y haliging matatag
na mananatiling nakatirik pagsapit ng bukas.



Sa ating pagtayo, kailangan ng makakapitan
na siyang susuporta sa katawang may kahinaan.
Kailangan ng haligi na sadyang kaytibay-
haliging tagahubog, mahalagang tunay.



Ang haligi ay may tungkuling magsilbing pundasyon
na kung bmay bagyo ay isang proteksyon.
Sari-sari pa amn ang dumating na daluyong,
walang pangamba ang sumisilong sa kanyang bubong.



Ang haliging ito ay ating Ama,
na siyang bumubuhay sa bawat pamilya.
Ang kanyang sikap, tiyaga't pang-unawa
ay mga elementong sa daigdig ay bihira.



Siya'y ama, siya'y haligi, siya'y lakas,
na may tunguling pag-isahin ang lahat.
Sa kanyang bisig, tinig at titig
masisilayan ang kakaibang pag-ibig.



Ang haligi't ilaw nang pagsamahin,
nabuo ang tahanang mahirap hanapin.
ang tahanang ito kung ating papasukin
ay ating makikita ang kaygandang tanawin.



May unawaan, pagtutulungan at pagmamahal
na mahalagang sangkap sa pagtayo ng tahanan.
Ang dating haliging matatag at maliwanag na ilaw,
nagpatubo na rin ng panibagong buhay.

Ang tulang ito ay ilalahok sa Saranggola Blog Awards 5





BATANG CONDO



NOT RECEIVED.....










Oktubre 3, 2013
Barangay Alaala
Gunita St.
Bayan ng Ulila
   

    MAHAL KONG TATAY,
     
           Ang sulat kong ito ay ika-...ika-.... Teka po muna. Di ko na yata matandaan kung ilan na ang liham na naipadala ko sa iyo.. Hindi ko nga po alam kung natatanggap mo, e. Magkagayunpaman, nagbabakasakali pa rin ako na baka ngayon ay matanggap mo na at mabasa ang liham na saksi sa aking pangungulila.


          Kung maaalala mo Tay, ika 3- ng Oktubre, 1998 noon nang umalis ka. Di ka naman nagpaalam nang maayos kaya hindi ko nalaman kung saan ka pumunta. Apat na taong gulang ako noon. 


          Habang hinihintay kita, nagbabakasakali akong pagbalik mo ay higit pa sa kendi, tsokolate at tinapay ang pasalubong mo sa akin. Gusto ko kasing mayakap ka sa mga panahong alam kong kayakap nga kita- iyon bang may malay na ako.


           Pero Tay, bakit labinlimang taon ka nang umalis ay di ka pa bumalik ni minsan, ni hindi ka sumusulat o nagtetext man lang. Siguro may cellphone ka na rin. May facebook account ka na rin siguro o kahit twitter. Kontakin mo naman ako Tay.


           Siyanga pala, nabalitaan niyo na rin siguro ang pagbaha dulot ng bagyong Sendong at Pablo noong 2012. Wag ka pong mag-alala. Malayo ang lugar namin doon sa tinamaan. At noong nakaraang buwan, nabalitaan niyo rin ba iyong giyera sa Zamboanga? Huwag na rin po kayong mag-alala. Malayo rin po kami doon- sa Sultan Kudarat ang tahanan natin, medyo malayo sa giyera pero tinatakbuhan at tinataguan ng sugatang mga rebelde. hehe


           At saka pala Tay, anim na kaming magkakapatid. Nang umalis ka ay dalawa lang kami ni ate. Marahil pagbalik mo, magtataka ka dahil marami na kami.


           Makuwento ko pala sa inyo, nasa huling taon na po ako sa kolehiyo. Sana makarating ka sa graduation ko, ha. Kapag di ka pa rin dumating, magtatampo na tala ako sa iyo. E, kasi naman.........anim na taon ako sa elementarya, di kita nakita. Hindi mo ako nasamahan tuwing may family day- si mamang lang kasi sumasama sa akin- parang Mothers' day tuloy. Hindi mo ako nakitang umakyat sa entablado ni nasamahan sa pagtanggap ko ng sertipiko ng karangalan sa ahievement test- naipagmalaki mo sana ako. Hindi mo rin yata alam na iskolar ako noon.


            Hindi lang iyan Tay, apat na taon din ako sa hayskul. Hindi mo ako nakita at narinig magtalumpati at tumula- di ako napatalsik sa unang puwesto ni minsan. Hindi mo rin ako napirmahan sa parents consent, na pumapayag kang sumama ako sa Division at Regional Mathematics Olympics, sa Regional Schools Press Conference at sa 47th Annual National Assembly ng Children's Museum and Library Incorporated... sa Baguio City....Sa baguio iyon Tay. O, di ba ang galing ng anak mo. Ang galing ng anak ninyo ni mamang.hehe.


            Pero naganap na ang lahat ay hindi ka pa rin bumalik. Natanong ko tuloy: Babalik ka pa ba? Di mo siguro kami namimiss ni mamang at ate. Pero alam ko hindi ka ganoon sa iniisip ko.


           At dagdag pa pala Tay, matatapos na naman ang apat na taon ko sa kolehiyo. Magsusuot na ako ng itim na toga. Siguro naman darating ka na. Magiging guro na po ako. Magiging isa na akong guro ng Filipino. Sana makarating ka sa graduation ko ha, aasahan po kita.


          Iyan, marami na po akong naikwento sa inyo. Kayo naman ang magkwento Tay. Gustom kong malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa iyo.


          Kung saan ka man po ngayon, sana ay matanggap mo ang liham na ito. At kasabay ng pagbukas mo ng sobre, lakipan mo ng ngiti ang iyong labi para maipabatid na bukas sa loob mo itong tinanggap.


Ang iyong anak na nangungulila,
                                                                  Don   
P.S.
         Pumunta po kami ni Mamang at ni ate noong ika-3 ng Oktubre sa lugar na may nakaukit na pangalan mo sa isang kwadradong semento. Ang nakalagay:  Ricardo Mendoza Jr. R.I.P.   Ikaw ba ang umukit niyon Tay? 


Ang akdang ito ay ilalahok para sa  Saranggola Blog Awards 5




BATANG CONDO

           

Martes, Disyembre 18, 2012

ABORSYON


pinigil ang paghinga
ng walang malay
na nilalang na nakakubli
sa sinapupunang tahanan
ng buhay na sumupling
.....
naipinid ang sasarhang pinto
at nagbukas ang kabaong
sa paglabas ng biyaya
kasabay ng sisi at luha
.........................
at
nauwi sa katapusan 
ang biyayang Diyos ang naglaan.....

Biyernes, Oktubre 5, 2012


Dito sa Amin
(ni tagapagmana ni Huseng Batute)


Ihahayag ko na ngayon ang isang kuwento
Ng buhay na ordinaryo
Ng isang tao o ng dadalawa
O ng tatatlo o ng lahat na.
Isang buhay na iginuhit
Sa kapirasong papel ng ating panahon.

Mabuti nang ihayag ko ng maaga
Ang maigaya kong buhay
At ang matiwasay na pamumuhay
Sa aking bayan.

Sa bawat linyang gagawin ko
Sa malatulang kuwentong ito,
Bibigyang-pansin,
Bibigyang- diin,
At bibigyang-buhay
Ang buhay na walang buhay
At ligayang nakadaupang-palad ni sandali.

Uumpisahan ko dito ang istorya:

Ako’y tila inukit na kahoy-
Natuyo,
Nahulma,
Nililok,
At pinintahan upang gumanda.

Larawan ako ng angkang kaygiting,
Angkang kaytatag,
Angkan ng Pilipino!

IBUBUNYAG KO NGAYON……
Ang katotohanang kailanma’y
Di pa nalalaman.
Oo!
Ang katotohanan dito sa amin…

DITO SA AMIN…
            -ang tanawi’y nakalulula-
            Bundok,parang,batis,ilog,
            Lawa,dagat-salamat…
            Ang kalikasan ay likas
            At ang yaman ay yaman.
Kailan pa kaya ng iba malalaman?

DITO SA AMIN…
            -Ang salapi ay di hiyas
            Kundi ang katapatan,
            Kapayapaan,
            Kalinisan at
            Kaunlaran.

            Ang ugali ay ginto,
            Ang pagkatao’y brilyanteng makinang.
Kailan pa kaya ng iba malalaman?

DITO SA AMIN…
            -Ang pagpapala’y lubos
            Na tila ilog na umaagos.
            May mahirap
            May mayaman
            Tulad ng sa ibang bayan.
Ngunit
Datapwat
Subalit
            Pinag-uugnay ng pisi ng pagmamahal,
            Pakikisalamuha at pagtutulungan.
Kailan  pa kaya ng iba matututunan?

DITO SA AMIN…
            -walang pating sa katihan
            -walang Magdalena
            -walang mayroong-wala
            At walang-mayroon
            -walang isip-talangka
BAGKUS
            -may malambot na puso
            -may bukas na palad
            -at may isip-tao…
Kailan pa kaya ng iba mahuhulo?

DITO SA AMIN…
            Kalikasan ang dakila,
            Tao ang mas dakila
            At Diyos ang pinakadakila.

DITO SA AMIN…
            Sa bayan ng Lebak,
            (HINDI KILALA?)
            Sa Sultan Kudarat
            (MEDYO KILALA?)
            Sa Rehiyon X11
            Sa Mindanao
            Sa Pilipinas
            Sa mundo makikita.
            Gatuldok na lugar
            Gamundo ang pagpapala!



---------ang tulang ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 4----------
---


2012 Co- Presentor and Sponsors











            

Sabado, Setyembre 29, 2012


Ang Buhay

(tula ni Marvin Ric Mendoza)

ang pangarap na nilimot sa kaytagal na panahon
ay maaaring magbalik sa itinakdang taon
subalit ang buhay na dala mo hanggang ngayon
kapag nawalan ka'y di na muling magkakaroon.

ang ligayang tinamasa ay maaaring mawala
at maaaring magbalik na inaakala
subalit ang buhay kapag nawala
ay di na kayang magbalik na kusa.

ang naligaw na taong sa gubat napadpad
ay maaaring maghintay ng kaunting liwanag
subalit ang buhay na maligaw sa gubat 
ay di na makababalik kahit pa may liwanag.

ang araw na sumibol sa silangan
ay lulubog sa kanluran
at bukas ay muling masisilayan
subalit ang buhay na may pinanggalingan,
pag lumubog na'y di na muling masisilayan.

(inspired by Jose Corazon de Jesus)

Huwebes, Agosto 23, 2012

Haliging Kaytatag, Lahing Kaylakas

May isang haliging minsang naitayo
ng magiting at matatag na pinuno
na si Manuel L. Quezong minsang naglaho
sa lupa ng mundo ngunit di sa puso.

Ang haligi'y tanaw doon sa malayo-
mula sa Luzon hanggang Lupangb Pangako.
Ang haliging tila matayog na puno
ay kaytagal nang naipunla't tumubo.

Sa kasalukuya'y nakatirik pa rin
ang isang sagisag ng lahing magiting
na pinangarap na sana'y payabungin
sabay sa pag-ihip ng sariwang hangin.

O, 'wag naman biguin yaring pangarap
ng mga bayaning buhay ay nalagas
para sa bayang ninais makalasap
ng layang madama ang sariling lakas.

O, aking panawagan ay tanawin mo
ang isang haliging may sinisimbolo
'pagkat ang halaga kung di mapagtanto,
ang bawat isa'y magdurusang totoo.

Ang haliging ito'y Wikang Filipino
na tunay na kaytatag kahit may bagyo
at kahit nais pang putulin ng dayo
o nais mang uyamin ng pagbabago.

Sa ating pangungusap, nawa'y gamitin
ang wikang masasabing sariling atin.
Kaydakilang bagay na dapat purihin
ang wikang winikang marapat wikain.

Wikang haligi ni Inang Pilipinas
ay ginagamit na panungkod at lakas
nang matiwasay na marating ang bukas
habang nakatuntong sa palad ng oras.

Kung nagmamadali ang ating panahon,
umula't uminit, umaraw, umambon;
ang haliging nasa lupa nakatuntong
ay mas tumitibay at nagkakadahon.

At paglipas naman ay nagkakabunga
ng mga prutas na kaysarap ang lasa.
Kung titingnan lang ay di kaaya-aya
bagkus 'pag kinain, ang lasa'y pag-asa.

O, ang haligi ay sadya ngang kaytatag,
pagkakilanlan ang dulot nitong tawag.
Ako ay ako, Pilipino sa binyag.
Wikang haligi ang aking dalang armas.

Ipagmalaki mo't isigaw sa mundo
malakas ka't kaytatag ng sandalan mo.
Ang sandalang iya'y  Wikang Filipino
na siyang lakas ng pagka-Pilipino.

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."