Lunes, Oktubre 14, 2013

ILAW...HALIGI...TAHANAN












Sa daigdig na madilim, kailangan ng liwanag
na siyang tatanglaw sa mga lagalag.
Kailangan ng ilaw  na siyang lalatag
sa mundong kaydilim upang may mabanaag.



Ang ilaw ay may tungkuling magsilbing tala
na sa tuwing may dilim ay magpapakita.
Ang ilaw na ito na isang gabay tila,
ang liwanag na taglay ay hindi nawawala.



Ang ilaw na ito ay ang ating Ina,
na siyang gumagabay sa bawat pamilya.
Ang kanyang pangaral ay isang pamana
na dapat ay tumbasan pagpapahalaga.



Siya'y Ina, siya'y ilaw, siya'y liwanag 
na may tungkuling magbigay-direksyon sa bawat paglalayag.
Ang katuwang niya nama'y haliging matatag
na mananatiling nakatirik pagsapit ng bukas.



Sa ating pagtayo, kailangan ng makakapitan
na siyang susuporta sa katawang may kahinaan.
Kailangan ng haligi na sadyang kaytibay-
haliging tagahubog, mahalagang tunay.



Ang haligi ay may tungkuling magsilbing pundasyon
na kung bmay bagyo ay isang proteksyon.
Sari-sari pa amn ang dumating na daluyong,
walang pangamba ang sumisilong sa kanyang bubong.



Ang haliging ito ay ating Ama,
na siyang bumubuhay sa bawat pamilya.
Ang kanyang sikap, tiyaga't pang-unawa
ay mga elementong sa daigdig ay bihira.



Siya'y ama, siya'y haligi, siya'y lakas,
na may tunguling pag-isahin ang lahat.
Sa kanyang bisig, tinig at titig
masisilayan ang kakaibang pag-ibig.



Ang haligi't ilaw nang pagsamahin,
nabuo ang tahanang mahirap hanapin.
ang tahanang ito kung ating papasukin
ay ating makikita ang kaygandang tanawin.



May unawaan, pagtutulungan at pagmamahal
na mahalagang sangkap sa pagtayo ng tahanan.
Ang dating haliging matatag at maliwanag na ilaw,
nagpatubo na rin ng panibagong buhay.

Ang tulang ito ay ilalahok sa Saranggola Blog Awards 5





BATANG CONDO



NOT RECEIVED.....










Oktubre 3, 2013
Barangay Alaala
Gunita St.
Bayan ng Ulila
   

    MAHAL KONG TATAY,
     
           Ang sulat kong ito ay ika-...ika-.... Teka po muna. Di ko na yata matandaan kung ilan na ang liham na naipadala ko sa iyo.. Hindi ko nga po alam kung natatanggap mo, e. Magkagayunpaman, nagbabakasakali pa rin ako na baka ngayon ay matanggap mo na at mabasa ang liham na saksi sa aking pangungulila.


          Kung maaalala mo Tay, ika 3- ng Oktubre, 1998 noon nang umalis ka. Di ka naman nagpaalam nang maayos kaya hindi ko nalaman kung saan ka pumunta. Apat na taong gulang ako noon. 


          Habang hinihintay kita, nagbabakasakali akong pagbalik mo ay higit pa sa kendi, tsokolate at tinapay ang pasalubong mo sa akin. Gusto ko kasing mayakap ka sa mga panahong alam kong kayakap nga kita- iyon bang may malay na ako.


           Pero Tay, bakit labinlimang taon ka nang umalis ay di ka pa bumalik ni minsan, ni hindi ka sumusulat o nagtetext man lang. Siguro may cellphone ka na rin. May facebook account ka na rin siguro o kahit twitter. Kontakin mo naman ako Tay.


           Siyanga pala, nabalitaan niyo na rin siguro ang pagbaha dulot ng bagyong Sendong at Pablo noong 2012. Wag ka pong mag-alala. Malayo ang lugar namin doon sa tinamaan. At noong nakaraang buwan, nabalitaan niyo rin ba iyong giyera sa Zamboanga? Huwag na rin po kayong mag-alala. Malayo rin po kami doon- sa Sultan Kudarat ang tahanan natin, medyo malayo sa giyera pero tinatakbuhan at tinataguan ng sugatang mga rebelde. hehe


           At saka pala Tay, anim na kaming magkakapatid. Nang umalis ka ay dalawa lang kami ni ate. Marahil pagbalik mo, magtataka ka dahil marami na kami.


           Makuwento ko pala sa inyo, nasa huling taon na po ako sa kolehiyo. Sana makarating ka sa graduation ko, ha. Kapag di ka pa rin dumating, magtatampo na tala ako sa iyo. E, kasi naman.........anim na taon ako sa elementarya, di kita nakita. Hindi mo ako nasamahan tuwing may family day- si mamang lang kasi sumasama sa akin- parang Mothers' day tuloy. Hindi mo ako nakitang umakyat sa entablado ni nasamahan sa pagtanggap ko ng sertipiko ng karangalan sa ahievement test- naipagmalaki mo sana ako. Hindi mo rin yata alam na iskolar ako noon.


            Hindi lang iyan Tay, apat na taon din ako sa hayskul. Hindi mo ako nakita at narinig magtalumpati at tumula- di ako napatalsik sa unang puwesto ni minsan. Hindi mo rin ako napirmahan sa parents consent, na pumapayag kang sumama ako sa Division at Regional Mathematics Olympics, sa Regional Schools Press Conference at sa 47th Annual National Assembly ng Children's Museum and Library Incorporated... sa Baguio City....Sa baguio iyon Tay. O, di ba ang galing ng anak mo. Ang galing ng anak ninyo ni mamang.hehe.


            Pero naganap na ang lahat ay hindi ka pa rin bumalik. Natanong ko tuloy: Babalik ka pa ba? Di mo siguro kami namimiss ni mamang at ate. Pero alam ko hindi ka ganoon sa iniisip ko.


           At dagdag pa pala Tay, matatapos na naman ang apat na taon ko sa kolehiyo. Magsusuot na ako ng itim na toga. Siguro naman darating ka na. Magiging guro na po ako. Magiging isa na akong guro ng Filipino. Sana makarating ka sa graduation ko ha, aasahan po kita.


          Iyan, marami na po akong naikwento sa inyo. Kayo naman ang magkwento Tay. Gustom kong malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa iyo.


          Kung saan ka man po ngayon, sana ay matanggap mo ang liham na ito. At kasabay ng pagbukas mo ng sobre, lakipan mo ng ngiti ang iyong labi para maipabatid na bukas sa loob mo itong tinanggap.


Ang iyong anak na nangungulila,
                                                                  Don   
P.S.
         Pumunta po kami ni Mamang at ni ate noong ika-3 ng Oktubre sa lugar na may nakaukit na pangalan mo sa isang kwadradong semento. Ang nakalagay:  Ricardo Mendoza Jr. R.I.P.   Ikaw ba ang umukit niyon Tay? 


Ang akdang ito ay ilalahok para sa  Saranggola Blog Awards 5




BATANG CONDO

           

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."