Sa daang sementado habang naglalakad
Ako’y nakakita ng ibong umiiyak.
Ang luha sa mata ay walang tigil sa pagpatak
Na tila baga nawalan ng nililiyag.
Nang aking usisain, aking namasdan
Isang pugad na wasak sa gilid ng daan.
At may nakita pa ako sa loob-looban-
Isang inakay na wala nang buhay.
Sa aking nakita, ako ay nahabag
Sa munting inang ibon na ayaw lumipad
Tila ba binabantayan ang bugtong na anak
Hanggang sa magising at muling mayakap.
Napatanong ako kung sino ang may gawa
Tao ba o kalikasan kaya?
Sino at ano ang walang awa
Na kumitil ng buhay at nagdulot ng luha?
Sa aking nadama, ako’y nakabigkas
Ng mga katagang may pagwawakas
“ o inang ibon, ngayon ika’y lumipad
At iyong ibalita ang kabiguang naganap.”
“ Iyong tanggapin na sa ating mundo,
ang supling ay biyaya bagamat pinahiram lang sa iyo.
At kung kinuha man ang biyaya sa panahong di mo pa
gusto
Tanggapin mo na lang at ang kabigua’y iluha ng
husto”.
————-ang tulang ito ay para sa aking mahal na kaibigan, kapatid, kapuso,kapamilya…at sa kanyang supling na si baby angelo na pumanaw bago pa man masilayan ang mundo noong nobyembre 9, 2013.
————-ang tulang ito’y nilikha ngayong nobyembre 22, 2013