Biyernes, Oktubre 5, 2012


Dito sa Amin
(ni tagapagmana ni Huseng Batute)


Ihahayag ko na ngayon ang isang kuwento
Ng buhay na ordinaryo
Ng isang tao o ng dadalawa
O ng tatatlo o ng lahat na.
Isang buhay na iginuhit
Sa kapirasong papel ng ating panahon.

Mabuti nang ihayag ko ng maaga
Ang maigaya kong buhay
At ang matiwasay na pamumuhay
Sa aking bayan.

Sa bawat linyang gagawin ko
Sa malatulang kuwentong ito,
Bibigyang-pansin,
Bibigyang- diin,
At bibigyang-buhay
Ang buhay na walang buhay
At ligayang nakadaupang-palad ni sandali.

Uumpisahan ko dito ang istorya:

Ako’y tila inukit na kahoy-
Natuyo,
Nahulma,
Nililok,
At pinintahan upang gumanda.

Larawan ako ng angkang kaygiting,
Angkang kaytatag,
Angkan ng Pilipino!

IBUBUNYAG KO NGAYON……
Ang katotohanang kailanma’y
Di pa nalalaman.
Oo!
Ang katotohanan dito sa amin…

DITO SA AMIN…
            -ang tanawi’y nakalulula-
            Bundok,parang,batis,ilog,
            Lawa,dagat-salamat…
            Ang kalikasan ay likas
            At ang yaman ay yaman.
Kailan pa kaya ng iba malalaman?

DITO SA AMIN…
            -Ang salapi ay di hiyas
            Kundi ang katapatan,
            Kapayapaan,
            Kalinisan at
            Kaunlaran.

            Ang ugali ay ginto,
            Ang pagkatao’y brilyanteng makinang.
Kailan pa kaya ng iba malalaman?

DITO SA AMIN…
            -Ang pagpapala’y lubos
            Na tila ilog na umaagos.
            May mahirap
            May mayaman
            Tulad ng sa ibang bayan.
Ngunit
Datapwat
Subalit
            Pinag-uugnay ng pisi ng pagmamahal,
            Pakikisalamuha at pagtutulungan.
Kailan  pa kaya ng iba matututunan?

DITO SA AMIN…
            -walang pating sa katihan
            -walang Magdalena
            -walang mayroong-wala
            At walang-mayroon
            -walang isip-talangka
BAGKUS
            -may malambot na puso
            -may bukas na palad
            -at may isip-tao…
Kailan pa kaya ng iba mahuhulo?

DITO SA AMIN…
            Kalikasan ang dakila,
            Tao ang mas dakila
            At Diyos ang pinakadakila.

DITO SA AMIN…
            Sa bayan ng Lebak,
            (HINDI KILALA?)
            Sa Sultan Kudarat
            (MEDYO KILALA?)
            Sa Rehiyon X11
            Sa Mindanao
            Sa Pilipinas
            Sa mundo makikita.
            Gatuldok na lugar
            Gamundo ang pagpapala!



---------ang tulang ito ay lahok para sa Saranggola Blog Awards 4----------
---


2012 Co- Presentor and Sponsors











            

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."