Linggo, Mayo 27, 2012

Ang gabing madilim

(ikalawang saknong na to....nakahihilo)




mahirap ngang isiping malapit na ang umaga
gayong ang totoo'y kaytagal sa tuwina.
Isang pikit, isang kisap-mata
sa mundo nati'y kayraming nag-iisa...

Lunes, Mayo 21, 2012

ang gabing madilim

isang saknong muna....nakapapagod mag-isip


"ang gabing madilim ay nakatatakot
dahil sa lagim na laging dinudulot
lagim na kung isipi'y hindi malimot
pagkat isipang liko ang siyang nagdulot"

Sabado, Mayo 12, 2012

ARAW ng mga INA


kanyang hirap at pawis ay inialay
upang masilayan ang inaasam na tagumpay
hindi ng sarili kundi ng mga inakay
na nagsisilangoy na sa ilog ng buhay.

siya ay siya lang at walang kapantay
maging ang kayamanang lubhang makukulay.
Siya man din ay ginto na sa mata ay mahal
maging sa uri pa at sa  halagang tinataglay.

mahirap ang mundo pag siya ay wala
lalo na sa inakay na wala pang nagagawa
kundi umiyak at umiyak at lumuha at lumuha
habang naghihintay sa inang mapagkalinga.

Ano baga ang mundo kung wala ang ina?
Ano baga si Jesus kung wala si Maria?
Ano si Jose Rizal kung wala sa Donya Teodora?
sa mundo ano ako,ano siya,ano ka?

mahirap bilangin ang nagdaang araw
lalo na kung gunita ni Ina ang binibilang.
mahirap tumingin sa pambukas na araw
habang nawawala ang isang nakaraan.

Habang tumatagal ay tumatanda
ang panlabas na anyo ni ina
ngunit hindi ang kanyang pagmamahal
na mananatiling bata magpakailanman.

o Ina, o Ina, ikaw ay marapat purihin
pagkat tunay kang alagad ng DIYOS natin.
sa iyong aruga at pagmamahal sa amin,
ay mabubuhay kang may karangalang tataglayin.

Huwebes, Mayo 3, 2012

tatlo,dalawa,isa



ubo....
ubo...
ubo...


sa bawat ubong kanilang naririnig
sa bawat alingawngaw ng paos kong tinig
sa bawat tinig na tila nasasamid
ay nabubuhay ang tulad ko sa panganib.


ubo...
ubo...
ubo...


ako'y nahihiya
pagkat ang tinig ko'y parang tigang na lupa
at ang saya sa aking mukha
ay sayang ipininta ng brilyanteng mga luha.




ubo..
ubo..


mahina't paos at nangangating lalamunan
ay tila nakasiping sa aking talampakan
ang sakit sa aking kalingkingan
ay magiging sakit ng buong lipunan.


ubo..
ubo..


ako'y nananawagan
sa lahat ng may awa na ako'y kaawaan
at sa lahat ng kalahatan
na ako'y painumin ng gamot na pampabuhay.


ubo.
ubo.


isa-isa na lang ngayon ang inyong maririnig
na tunog mula sa aking bibig
ang ibig sabihin kung hindi man ako gumaling,
ako'y tinatawag sa aking libing.....

Miyerkules, Mayo 2, 2012


Mga  Saksi

ang mesa
ang baso
ang platito
ang liwanag
na natatanaw ng nahihilong tao
doon
doon
sa kanto
sa tindahang pambungad
sa mga bisitang lumalangoy sa libag
na kahit walang pera
na kahit walang laman ang bulsa
na kahit walang kaya ay susugod pa.
Doon sa kanto
sa tindahang laging bukas
ay may mesang naghihintay
sa matatalik na kaibigang
kapag niregalohan ng isang bote
ay mahihilo
ay mag-iiba
ay magiging misteryoso
ay magiging mangsesermon
ng walang kwentang pangaral
at turong walang saysay.
Doon sa kanto,
sa ikapitong langit
sa ikaanim na ulit
sa ikalimang pagsapit
ng apat na lupit
ng taong mahiligin sa dalawang halik
sa boteng kapatid ni tulog
pamangkin ni hilo
at apo ni Sermon
at minsan pa’y asawa ni gulo.
Doon sa kanto
ay may mesang saksi
at may baso
at platito
at taong nahihilo…
hilo sa buhay
malayang tunay
na anak ni dalita
ay sa alak nagpasasa
at humalik sa lupa
at lumura
at sumuka
at natumba.
Sa susunod na araw
ay may saksi pa rin
sa gawain ni Tao
gawain ni mahirap
gawain ni mababaw.
saksi si mesa
saksi si bote
saksi si platito
saksi si dilim
saksi si antok
at si bituka
sa lahat ng nangyayari!

Martes, Mayo 1, 2012

Gawad Makata 2012
Mga Nagwagi ay makikita kapag i-click mo ITO

-------------------------------------------------------------------------------------------------


MANGGAGAWA

Mayo uno ng ginugunita
ang araw ng mga manggagawa,
araw na laging pinagpapala
ng Diyos nating Dakila.


Ang araw na ito ay isang yaman
na laging binabalikan,
yaman ng alaala at kabutihan
ng mga taong sadyang makabayan.


Ang mga taong sa simpleng gawa
ay kumakayod kung kaya't nagtatamong-pala.
Ang mga taong dinarakila
ay yaong mga manggagawa.


Manggagawa,manggagawa
pawis mo'y hiwaga
bisig mo'y panangga
lakas mo'y panlupa
talino mo'y sa langit nagmula
pagkatao mo'y di kayang maalipusta
ikaw ay sadyang pinakadakila!

Narito na ang nagwagi sa GAWAD MAKATA 2012 
mula sa Mga Tula at Kwento: Bahaghari ng Kaisipan


phoebe ann 
Kay Hirap Itago    





panget din ako
Anak ng Paksiw  
                                                                           
                                                 
                                                                                   









Pasaway si kikay
Prosti   


                                     
                                                                                                   


    







manulnulat
Isang Milyang Pangarap   


                                      
                                                                                                        



                                                                                                              







FilipiNonoy
kabaligtaran





















Makatang Lasenggera                
Pitik...Bulag! 
Kasi nga Pinoy
Mendax
























Hanggang sa susunod.....Maraming salamat sa mga Lumahok....

KA-patid-puso-barkada-pamilya

IKAW

Walang maaaring makaalam kung sino ka maliban sa iyong sarili...sapagkat ang sinumang nagsasabing kilala niya ang pagkatao ng isang tao ay isang nilalang na nilikha sa kawalang muwang sa sariling kaanyuan.Ikaw ay tunay na ikaw at wala ng iba pang makaaalam sa iyo kundi ikaw...

UGALI

Ang ugali ng isang tao ay hindi batayan ng kanyang pagkatao...Nang tayo'y isilang sa mundo,taglay na natin ang pag-uugaling di kayang burahin ninuman at ng anuman.Kung ano ka ay iyon ka.Tanging ang paraan ng pagsasalita ang magiging batayan upang mahusgahan ang isang nilalang...Sapagkat ang sugat na dulot maling salita ay maaaring gantihan ng sugat din ng salita...Subalit ang sugat na dulot ng maling gawi ay sugat na mahirap gantihan ng maling gawi...lalo na kung ika'y mabuting nilalang...ika nga "action speaks louder than words at the same time action hurts greater than words...."